Tagalog

Area Plan 2019

As an Area Presidency, we invite you to apply the Area Plan in your lives.
Elder Evan A. Schmutz

Elder Evan A. Schmutz

Area Presidency

Sana’y naging maganda ang pagsisimula ng Bagong Taon na tulad ng pagtatapos ng 2018. Nawa’y pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa inyo sa darating na taon. Nalulula kami sa maraming magagandang ulat na natanggap namin tungkol sa dami ng mga makabuluhang paglilingkod na isinagawa ng mga indibiduwal, pamilya, at yunit ng Simbahan na nakilahok sa Inisyatibo sa Pasko (Christmas Initiative) na Maging Ilaw ng Sanlibutan. Nawa’y patuloy nating sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas at “magbigay na katulad Niya” sa buong taon.

Bilang Area Presidency, nagpapasalamat kami na nagpasiya ang Simbahan na ulitin ang inisyatibo sa Pasko na Maging Ilaw ng Sanlibutan sa ikatlong magkakasunod na taon. Nasaksihan namin na napayabong ng masayang pakikilahok sa inisyatibong ito ang hangarin ng ating mga miyembro na maglingkod at napatnubayan at naituon tayo kay Jesucristo sa Kapaskuhang ito.

Ang isa pang bagay na ginagawa na natin sa loob ng tatlong magkakasunod na taon ay ang pagsunod sa Philippines Area Plan. Ang Area Plan ay unang ipinaalam sa mga miyembro sa isang Area-wide broadcast ng Area Presidency noong Enero ng 2016. Ang Area Plan ay ginagawang sentro si Jesucristo sa lahat ng ating ginagawa. Hinihikayat ng plano ang mga Pilipinong Banal sa mga Huling Araw na magtulungan sa pagsasagawa ng gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtutuon sa tatlong personal na pangako: “Sumunod, Makipagtipan at Itatag.”

Sa ilalim ng bawat isa sa mga pamagat na ito, hinilingan ang mga Pilipinong Banal sa mga Huling Araw na magsakatuparan ng mga partikular na mithiin, tulad ng panatilihing banal ang araw ng Sabbath, magbayad ng ating ikapu at mga handog, magkaroon ng current temple recommend at ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa ating pamilya, mga kaibigan, at kapitbahay. Naniniwala kami na ang ating tapat na pagbibigay-diin sa Area Plan ay nagkaroon na ng malaking epekto sa pagtulong sa kagila-gilalas na paglago ng Simbahan sa Pilipinas nitong nakaraang tatlong taon.

Mga Kapatid, dahil isinapuso namin ang sinabi ng ating buhay na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, nadama namin bilang Area Presidency ang pangangailangang gumawa ng ilang maliliit na pagbabago sa Area Plan na sa paniniwala namin ay lubos na masusunod ang tagubiling inihayag ni Pangulong Nelson sa Simbahan at matutulungan ang bawat miyembro, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda, at sa lahat ng edad, na maging mas responsable sa pagtupad sa vision ng Panginoon para sa Pilipinas. Hindi pa namin pinapalitan o nireretiro ang Area Plan. Ngunit nadarama namin na ang maliliit ngunit mahahalagang pagbabagong ito ay makakatulong sa lahat ng miyembro at lider ng Simbahan na masunod ang pinakahuling inspiradong payo ng ating buhay na propeta.

Nitong huling dalawang Pangkalahatang Kumperensya, ibinahagi ni Pangulong Nelson ang mga sagradong paghahayag na natanggap niya mula sa Panginoon para pasimulan ang bago at mas banal na paraan ng ministering o paglilingkod at pangangalaga natin sa isa’t isa; inihayag niya ang muling pag-organisa ng Melchizedek Priesthood para magbuo ng pinagsamang Elders Quorum at ipinaalam ang bagong iskedyul ng mga miting sa araw ng Linggo na nakatuon sa pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan. Nangako sa atin si Pangulong Nelson na ang ating katapatan sa pagpapatupad ng mas masusing pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan ay magpapalalim sa pagbabalik-loob at magpapaibayo sa pananampalataya ng bawat indibiduwal sa Panginoong Jesucristo. Kahit nabawasan ng bagong pagtutuon sa pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan ang oras na ginugugol natin sa meetinghouse tuwing Linggo, nadagdagan naman nito ang oras na dapat nating gugulin sa pag-aaral ng ebanghelyo at pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa tahanan.

Ngayon, alam namin na marami sa ating minamahal na mga miyembro ang walang ina at ama sa pamilya na mamumuno sa mga anak sa kanilang pag-aaral ng ebanghelyo. Napakaraming iba’t ibang sitwasyon ang mga pamilya at indibiduwal sa kanilang tahanan. Ngunit lahat tayo ay may isang lugar na tinatawag nating tahanan, at masusunod ng bawat isa ang payo ng ating propeta na bumuo ng isang kapaligiran ng pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan saanman tayo nakatira.

Hayaang ipakilala ko ang pamilya nina Norman at Shery Love Tolentino habang sinisikap nilang ipatupad ang mga turo ni Pangulong Nelson sa kanilang tahanan. Ipinamumuhay rin nila ang Area Plan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanilang mga anak ng kahalagahan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsunod sa mga kautusan, at paggawa, paggalang at pagpapanibago ng mga sagradong tipan upang itatag ang Kaharian ng Diyos sa kanilang tahanan.

Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng banal na kasulatan bilang isang pamilya, Family Home Evening, at sa pagkausap sa kanilang mga anak tungkol sa ebanghelyo sa tuwing may pagkakataon.

Bilang Ward Primary President, palaging naririnig ni Sister Tolentino ang kanyang bishop na binabanggit ang Area Plan sa mga ward council meeting. Ang mga mithiing itinakda nila para sa ward ay nakaayon sa Area Goals at bawat auxiliary ay nag-ambag upang tumulong sa pagkakamit ng mga mithiing iyon. Mas madaling makamit ang kanilang mga mithiin dahil nakabatay ang mga ito sa mga bagay na maaari nilang asahan at masubaybayan. Sa ilalim ng pamamahala ng Bishop, ang mga mithiin ng kanilang ward ay detalyado, nasusukat at kayang makamit.

Tolentino Family

Ibinahagi ni Brother Tolentino kung paano nila natukoy ang mga posibleng maging elder na paminsan-minsang dumadalo sa Simbahan, ngunit nangailangan ng tulong upang magawa ang mga hakbang na kailangan upang matanggap ang Melchizedek Priesthood. Nagtalaga sila ng mga ministering brother na bumisita sa mga posibleng maging elder sa tahanan at nakipagkaibigan sila sa kanila. Sa pagkilos sa ilalim ng pamamahala ng Bishop, tinulungan ng Elders Quorum President ang ilan sa mga kapatid na ito na maghanda para sa Melchizedek Priesthood at mithiing tanggapin ito sa susunod na stake conference.

Iyon ay magagandang halimbawa kung paano natin mauunawaan at maipapamuhay ang Area Plan na SUMUNOD, makipag-TIPAN at ITATAG.

Ipinakita sa atin ng mga Tolentino sa maliliit at mga simpleng paraan ang huwaran kung paano tayo matututo, makakasunod, at mapagpapala ng Area Plan sa ating sariling buhay at sa ating mga ward at branch kung saan tayo nakatira.

Ipinapaalala sa atin ng Area Plan ang huwarang ibinigay ng Panginoon upang SUMUNOD, makipag-TIPAN at ITATAG ang Kaharian ng Diyos sa lupa. Habang kumikilos ang bawat isa sa ating pamilya at kasama ang iba pang mga miyembro para masunod ang mga alituntunin at mithiin ng Area Plan sa ating buhay, gagabayan at poprotektahan tayo ng Espiritu ng Panginoon.

Para sa iba pa sa brodkast na ito, ibabahagi sa atin ni President Teh ang mahahalagang aral na natutuhan niya sa karanasan ng isang butihing bishop nang turuan at hikayatin nito ang ward council na gamitin ang mga ministering brother at sister para palakasin ang ward. Tuturuan at hihikayatin tayo ni President Wakolo sa pagtulong natin sa ating pamilya na makinabang nang husto sa bagong iskedyul ng pagsamba tuwing Linggo at tunay na tumugon sa imbitasyon ni President Nelson na gawing bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang pag-aaral ng ebanghelyo at pagbabalik-loob na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan.

Sana’y matuto kayo ng mga bagay na magpapaibayo sa mga pagpapala ng ebanghelyo sa inyong buhay. Lubos akong nagpapasalamat na naging pangalawang tahanan ko ang Pilipinas at pangalawang pamilya ko kayong mga Pilipino. Nakatutuwang maging Banal sa mga Huling Araw sa Pilipinas. At kung isang pahiwatig ang matagal nang sinasabi sa atin ng ating buhay na propeta, kasisimula pa lang ng mga bagay na ihahayag ng Panginoon sa panahong ito!

Hindi ko na mahintay ang araw na magkakaroon tayo ng anim na templo sa buong bansa, na ang mga miyembro ng Simbahan ay sabik na nakikilahok sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo sa magkabilang panig ng tabing. Nakatira tayo sa isang lupain na kinakasihan ng Panginoon. Ito ang Kanyang Simbahan at itinatayo natin ang Kanyang kaharian. Ito ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ginagabayan Niya tayo bilang buhay na Anak ng Diyos. Pinatototohanan ko iyan sa pangalan ni Jesucristo, Amen. ◼︎

Elder Michael John U. Teh

Elder Michael John U. Teh

Area Presidency

Gustung-gusto kong sinasalubong ang Bagong Taon! Hudyat ito ng pag-asa at bagong simulain. Tungkol din ito sa mga pagkakataon upang patuloy na pagbutihin ang mga bagay na mainam na nating ginagawa. Kaya sa maraming paraan, ipinapaalala nito sa akin ang ebanghelyo. Tutal, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tungkol lahat sa pag-unlad, pagpapabuti at mga bagong simulain.

Kaya ito ang pinakamagandang panahon para muling pag-usapan ang Area Plan at tingnan kung paano natin mapapaganda ang paggamit natin dito sa mga pagsisikap nating itayo ang Kaharian ng Diyos dito sa Pilipinas.

Sa pinaka-sentro ng Area Plan ay ang ating pangakong manampalataya sa Panginoong Jesucristo. At na magtutulungan tayo upang isakatuparan ang Kanyang kalooban. Tulad ng alam na ninyong lahat, natukoy natin ang tatlong pangunahing mga paraan na plano nating ipakita ang ating pananampalataya. SUSUNDIN natin ang Kanyang mga kautusan, makikipag-TIPAN tayo sa Kanya at ITATATAG natin ang Simbahan.

Isa sa mga pinakainam na paraan na maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Sinabi ng Panginoon: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15), nagkataon na ito rin ang 2019 na Tema ng Mutual para sa mga Kabataan. Siyempre pa, susundin natin ang lahat ng utos ng Diyos, pero lalo rin nating pagtutuunan ang mga sumusunod:

  • Panatilihing banal ang araw ng Sabbath at tumanggap ng sakramento linggu-linggo.
  • Magbayad ng buong ikapu at malaking handog-ayuno.
  • Isumite ang mga pangalan ng ating mga ninuno para sa mga ordenansa sa templo.

Mahigpit na nakaugnay sa pagsunod sa mga utos ang paggawa ng mga tipan. Inaasahan ng Diyos sa atin, na Kanyang mga anak, na tayo’y gagawa, tutupad at magpapanibago ng mga sagradong tipan. Katunayan, nakikipagtipan tayo sa Diyos tuwing tumatanggap tayo ng mga ordenansa kabilang na ang binyag, kumpirmasyon, ordinasyon sa priesthood, at mga ordenansa sa templo.

Nasa likuran ko ang Manila Philippines Temple. Ang templo ay bahay ng Diyos. Sa loob ng mga pader nito pumapasok tayo sa mas matataas na tipan sa Kanya Kung angkop, inaanyayahan natin ang lahat na:

  • Magkaroon ng current temple recommend.
  • Mabuklod sa templo.
  • Tulungan ang mga posibleng maging elder na matanggap ang Melchizedek Priesthood.

Sa paggawa nito, madaragdagan natin ang bilang ng mga nagtataglay ng Priesthood.

Sa huli, kapag natuto tayong sumunod at makipagtipan, makabubuo tayo ng mga pamilyang Pilipino na matatag at umaasa sa sarili. Ang tunay na lakas ng Simbahan ay nasa iba’t ibang henerasyon ng mga pamilya. Ganito nating ITATATAG ang Kaharian ng Diyos. Kaya:

  • Tutulungan natin ang lahat ng kabataang lalaki na tumanggap ng katungkulan sa priesthood na angkop sa kanilang edad.
  • Tutulungan natin ang lahat ng kabataang lalaki, at kabataang babae na nagnanais, na makapagmisyon.
  • Magiging mas mahusay tayong mga member-missionary para maparami natin ang mga nabibinyagan at nakukumpirma.
Ministering

Nalaman ko sa aking karanasan na madalas bago matutuhan at masunod ang isang alituntunin o doktrina, kailangan itong ituro nang paulit-ulit. Kapag nagtuon tayo sa magkakaparehong prayoridad, makakakita tayo ng pag-unlad. Kaya nga iisa ang Area Plan natin nitong huling apat na taon. Gustung-gusto ko ang pahayag na ito na madalas banggitin ni Pangulong Heber J. Grant:

“Yaong iginigiit nating gawin ay nagiging madaling gawin, hindi dahil sa nagbago ang likas na katangian nito, kundi nag-ibayo ang ating kapangyarihang gawin ito.”

Iyan mismo ang nangyari sa nakaraang ilang taon. Kamangha-mangha! Nakita nating mag-ibayo ang kapangyarihan nating gumawa sa pambihirang mga paraan.

Sa Pangkalahatang Kumperensya noong Abril, naglahad sa atin si Pangulong Nelson ng bago at mas banal na pamamaraan ng pangangalaga sa ating mga kapatid. Tinawag niya itong ministering. Nagalak tayo sa inspiradong utos na iyon. Sa isang banda, nabigyan niya tayo ng paraan para maipatupad natin ang Area Plan nang mas epektibo at mas mabisa.

Sa madaling salita, ministering ang susi sa epektibong pagpapatupad ng ating Area Plan.

ANO ANG MINISTERING?

Sa simpleng paraan, ang ministering ay pag-alam kung ano ang kailangan ng ating mga kapatid at paggawa ng lahat para matugunan natin ang mga pangangailangang iyon. Ito ay paggawa ng gawain ng Panginoon. Kapag naglilingkod tayo, kumikilos tayo bilang mga kinatawan ni Jesucristo para bantayan, pasiglahin, at palakasin ang mga nasa paligid natin.

Ang ministering ay higit ding napapasimulan sa puso. Walang takdang mga hangganan o mahihigpit na tuntunin sa ministering. Bilang mga miyembro, kinakausap natin ang mga pinaglilingkuran natin at hangad natin ang inspirasyon ng Espiritu para malaman kung paano at gaano kadalas natin silang matutulungan. Kapag naging kaibigan na natin ang mga pinangangalagaan natin, at regular tayong sumasangguni sa ating mga lider tungkol sa kanilang mga pangangailangan, pagpapalain ng ating paglilingkod ang buhay ng mga indibiduwal at pamilya.

Halina upang matuto mula sa karanasan ni Bishop Mark Espedilla ng Tacloban 1st Ward. Ginamit niya ang ministering upang tulungan ang kanyang ward na lumago sa paghahanap sa mga di-gaanong aktibong miyembro at paghahanap ng mga paraan upang matulungan sila.

Natanto niya na ang ibig sabihin ng ministering ay pagpapadama ng pagmamahal at malasakit sa ating mga miyembro, hindi lamang pagbabahagi ng buwanang mensahe. Dapat nating itanong sa sarili natin: “paano ko tutulungan ang miyembrong ito na maging mas mabuting tao? Paano ko tutulungan ang miyembrong ito na sundin ang mga kautusan, tuparin ang kanyang mga tipan at itatag ang kanyang pamilya?”

Natutuhan din ni Bishop Espedilla na ang mabuting bagay tungkol sa ministering ay na magagamit niya ang buong ward council sa paghahanap ng mga paraan na matulungan ang di-gaanong aktibong miyembro na bumalik.

Malinaw na inilarawan ng karanasan ng bishop na iyon ang gusto ng propeta na gawin nating lahat. Gusto niyang sundan natin ang halimbawa ng Panginoon at tulungan ang ating mga kapatid nang may pagmamahal at taos na hangaring makatulong. Masaya nating ginagawa ang magagawa natin, nang hindi naghihintay ng kapalit.

Iyan ang uri ng pagmamahal na nagpapalaho sa mga taon ng di-pagsisimba, nag-aalis sa mga pader ng panunurot ng budhi at pumapawi sa pagkahiya. Nabubuo ang mainit at mapagmahal na mga ugnayan, at hahangarin ng nasagip na kaluluwa na sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay handa na siyang SUMUNOD, MAKIPAGTIPAN, at MAGTATAG.

Alam ko at naniniwala ako na ang ministering nang may pagmamahal ang pinakamainam na paraan para magawa natin ang ating bahagi sa Area Plan. Sinabi ni Elder Gary E. Stevenson: “Kapag ginawa sa paraan ng Panginoon, ang ministering ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kabutihan na umaabot sa buong kawalang-hanggan.” (Pangkalahatang Kumperensya ng Oktubre 2018).

Nawa’y maglingkod tayong lahat sa paraan ng Panginoon ang dalangin namin bilang inyong Area Presidency, sa pangalan ni Jesucristo, Amen. ◼︎


Elder Taniela B. Wakolo

Elder Taniela B. Wakolo

Area Presidency

Mga kapatid, kasama ninyo akong nagagalak sa ebanghelyo o sa doktrina ni Cristo. Salamat sa ginagawa ninyo at salamat lalo na sa kung sino kayo.

Salamat, President Schmutz at President Teh sa inyong mga mensahe.

Sinabi ni President Schmutz: “Naniniwala kami na ang ating tapat na pagbibigay-diin sa Area Plan ay nagkaroon na ng malaking epekto sa pagtulong sa kagila-gilalas na paglago ng Simbahan sa Pilipinas nitong nakaraang tatlong taon.”

Sinabi ni President Teh: “Ang bagong taon ay laging isang panahon ng pag-asa at panibagong mga pangako. Kaya ito ang pinakamagandang panahon para muling pag-usapan ang Area Plan at tingnan kung paano natin mapapaganda ang paggamit natin dito sa mga pagsisikap nating itayo ang Kaharian ng Diyos dito sa Pilipinas.”

Para maging malinaw: Wala pang 60 taon ang Simbahan dito sa Pilipinas at may 107 Stake, 68 District, 22 Mission, 1 MTC, 2 gumaganang Templo, 4 pa ang ibinalitang itatayo – bukod pa rito, nariyan ang mga indibiduwal at pamilya.

Natitiyak ko na mas madali nang makita ng lahat kung paano natin masusunod ang Area Plan bilang mga indibiduwal, pamilya, at miyembro at lider ng ating mga ward at branch. Nakakatuwa ring makita na hindi lang naantig ng ministering ang puso ng mga naglingkod at ng mga pinaglingkuran, kundi umunlad din ang isang buong ward.

Dahil lahat ng ginagawa natin sa Simbahan ay para patatagin ang pamilya, magsasalita ako ngayon sa inyo tungkol sa mga pagbabago kamakailan sa ating iskedyul ng pagsamba tuwing Linggo at kung paano kayo makikinabang ng inyong pamilya rito.

Sa Pangkalahatang Kumperensya ng Oktubre 2018, nagpahayag ng mga pagbabago si Pangulong Russell M. Nelson para ibalanse at ikonekta ang iba’t ibang paraan na matututuhan at maipamumuhay ng mga miyembro ang ebanghelyo at masasamba ang Tagapagligtas sa tahanan at sa simbahan. Dumating ang pahayag bilang bahagi ng patuloy na mga pagsisikap na tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na “matutuhan ang doktrina, mapalakas ang pananampalataya, at mapagyaman pa ang personal na pagsamba.”

Escobedo Family

Sinabi pa ni Pangulong Nelson: “Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nasanay na tayo sa pag-iisip na ang ‘simbahan’ ay ang mga nangyayari sa ating mga kapilya, na sinusuportahan ng nangyayari sa ating tahanan. Kailangan natin ng pagbabago sa huwarang ito. Panahon na para sa isang Simbahang nakatuon sa tahanan na suportado ng nangyayari sa loob ng mga gusali ng branch, ward, at stake.” (Pangulong Russell M. Nelson, “Pambungad na Pananalita,” Pangkalahatang Kumperensya ng Oktubre 2018.)

Nananawagan ang propeta na mas magtuon tayo sa ibayong pakikilahok kapwa sa personal na pagsamba at pagsamba ng pamilya sa tahanan, pati sa pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan tuwing Linggo at sa buong linggo. Ang oras na ginugugol natin sa Simbahan tuwing Linggo ay maaaring mas maikli na nang isang oras, pero dapat gugulin ang oras na iyon sa pag-aaral ng ebanghelyo, pagsamba sa tahanan o paglilingkod sa bawat isa.

Makakatulong ito na matupad ng mga magulang ang kanilang responsibilidad sa kanilang mga anak tulad ng nakasaad sa Doktrina at mga Tipan: tungkulin nilang ituro sa kanilang mga anak “ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo” (D at T 68:25).

Bilang mahalagang sentro ng pag-aaral at pagsasabuhay ng ebanghelyo, sa tahanan naglalaan ang pag-aaral ng ebanghelyo ng indibiduwal at pamilya at sa buong linggo ng mga pagkakataong makasumpong ng espirituwal na lakas araw-araw at nagtutulot ng mas malaking kakayahang umangkop para sa personal na pag-aaral at paghahayag. Ano sa palagay ninyo ang mangyayari kung aasa tayo sa ilang oras na ginugugol natin sa pagtuturo ng ebanghelyo, pagkatapos ay mabuhay sa natitirang mga araw ng linggo na kakaunti ang natutuhan natin sa tahanan tungkol sa ebanghelyo? Hindi magiging balanse ang buhay kaya mahirap, kung hindi man imposible, na magkaroon ng malalim at nagtatagal na pagbabalik-loob na kailangan para magpatuloy at sumulong sa landas ng tipan.

Sinasamantala ng pamilya Escobedo mula sa Angeles City sa Pampanga ang pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan. Tinitipon nina Jurdan at Glenda ang kanilang mga anak bago maghapunan at nagdarasal sila bago nila pag-usapan ang mga naganap sa maghapon. Matapos magbalitaan at magplano para bukas, pinag-aaralan nila ang scripture block na naiskedyul nila para sa gabing iyon.

Sa pagbabasa at pagtalakay nila ng mga banal na kasulatan gabi-gabi, mas makabuluhan ang karanasan nila sa araw ng Sabbath dahil nagbabahagi sila ng mga kabatiran at bukas ang kanilang puso’t isipan sa pagtanggap ng mas maraming inspirasyon mula sa Espiritu Santo.

Bukod pa sa pinagandang pag-aaral ng ebanghelyo, dapat din nilang pakinggan ang panawagan ng mga pinuno ng ating Simbahan na lumahok ang lahat sa araw ng Sabbath—at sa buong linggo—sa mga family council, home evening, family history at temple work, ministering, personal na pagsamba, at masayang oras sa pamilya.

Sa ganitong paraan, matatanto nila at natin ang mga layunin at pagpapalang binanggit ni Elder Quentin L. Cook:

  • Laliman ang pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo at palakasin ang pananampalataya sa Kanila.
  • Patatagin ang mga indibiduwal at pamilya sa pamamagitan ng kurikulum na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan na tumutulong sa masayang pamumuhay ng ebanghelyo.
  • Igalang ang araw ng Sabbath, na nakatuon sa ordenansa ng sakramento.
  • Tulungan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit sa magkabilang panig ng tabing sa pamamagitan ng gawaing misyonero at pagtanggap ng mga ordenansa at tipan at mga pagpapala ng templo.

Naipakita na ang unang dalawang aytem sa ating maikling video ng pamilya Escobedo. Sa pagsamba nila sa araw ng Linggo na mas nakatuon sa pinag-aaralan nilang mga lesson sa ebanghelyo, mas lubos nilang maigagalang ang araw ng Sabbath at mapag-iisipan ang ordenansa ng sakramento bilang tampok sa araw na iyon.

Sa mas espirituwal na isipan dahil sa lubos na pamumuhay ng ebanghelyo, nagiging mas mabuti silang halimbawa sa mga kapitbahay at kaibigang hindi natin kamiyembro. Ang kakayahan nilang magbahagi ng mga bagay-bagay na natututuhan nila sa tahanan ay hindi lamang magagamit sa Simbahan kundi makakatulong din kapag nagkaroon ng mga pagkakataong magmisyon.

Ang pagsunod sa hamon ng propeta na magkaroon ng kurikulum na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan ay mas malaki ang impluwensya sa pagsamba at pag-uugali ng mga pamilya at indibiduwal. Ang espirituwal na epekto at malalim at nagtatagal na pagbabalik-loob na makakamtan sa tahanan ay aakay sa pamilya tungo sa templo.

Nakikita na ba ninyo ngayon kung paano nakakatulong ang pagbabagong ito sa Area Plan at tumutulong sa mga indibiduwal at pamilya na makamtan ang mga pag-aangkop nila sa Area Goal?

Kapag ginagawa at hindi lamang natin naririnig ang mga bagay na natututuhan natin, SINUSUNOD natin ang mga utos ng Diyos; pinananatili nating banal ang araw ng Sabbath, binabayaran natin ang ating ikapu at mga handog, at ginagawa ang gawain sa family history at templo. Pagkatapos ay gumagawa, tumutupad at nagpapanibago tayo ng mga sagradong TIPAN sa ating Ama sa Langit. Sa huli, ITATATAG natin ang Kaharian ng Diyos sa pamumuhay ng ebanghelyo, pagbabahagi ng mensahe nito at pag-anyaya sa iba na lumapit kay Cristo.

Bilang Area Presidency, inaanyayahan namin kayong iangkop ang Area Plan sa inyong buhay. Dinggin natin ang mga salita ng propeta na hinihikayat tayong magpakita ng tunay na pagmamahal sa ating mga kapatid sa paglilingkod sa kanila. Gawing sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan at danasin ang magandang pagpapalang patotohanan ng Espiritu sa inyong kaluluwa na kayo’y nasa tamang landas ng tipan, sumusunod sa plano ng Diyos para sa inyong walang-hanggang kaligayahan, tulad ng itinuturo sa Kanyang tanging tunay at buhay na Simbahan. Sa pangalan ni Jesucristo, Amen. ◼︎


Read the Area Plan 2019 in English

Read the Area Plan 2019 in Cebuano


Download Area Plan Poster (PDF) Large | Medium | Small

Watch the Broadcast

Go to Area Plan Homepage